“Agrabyado ang taumbayan sa LRT-1; LRMC tubong-lugaw” – ‘Wag kang Pikon ni Jake Maderazo

December 07, 2015 - 06:26 AM

JAKE MADERAZOKUNG merong desisyon ang Tuwid na Daan na talagang lubusang agrabyado ang taumbayan, makikita ito sa Light Rail Manila Consortium (LRMC), ang kumbinasyong negosyo ng mga Ayala at Manny Pangilinan group na nag-takeover sa LRT-1 na biyaheng Roosevelt hanggang Baclaran nito lamang dalawang buwang nakalilipas.

Ang “concession contract” ay nakuha nang walang ibang sumali sa bidding ng DOTC noong Oktubre 2014. Ito’y para mamahala sa LRT-1 sa loob ng 32 taon at magtayo ng extension hanggang Cavite at “common station” sa North Ave. Edsa.

Ayon sa mga report, merong “sovereign gua-rantee” na ibinigay ang gobyerno sa LRMC na ang ibig sabihin ay hindi ito malulugi.

Nagbayad sila ng “concession fee” na P935 mil-yon lamang nang magkapirmahan ng kontrata. Dito na nagsimula ang mga kwestyunableng galaw ng DOTC at LRMC.

Isang buwan bago mag-takeover, naniningil na ito ng P7.5 bilyon dahil hindi raw itinaas ng DOTC ang pamasahe sa LRT-1, alinsunod sa pinirmahang kontrata.

Isipin niyo, nagbayad ng P935 milyon pero naniningil agad ng P7.5 bilyon. Buti na lang nakunsensya ang DOTC nang malaman ito ng publiko.

Ngunit ngayon, may panibago na namang si-nisingil ang LRMC at ito’y P2 bilyon na umano’y “multa” sa DOTC dahil hindi raw sila “pasok” sa kanilang “standards.”
Sa totoo lang, ang LRT-1 na isang negosyo ng DOTC na hindi nalulugi at di hamak na mas maganda ang serbisyo kaysa MRT3.

Nakapagtataka nga kung bakit ito ibinigay sa Ayala-Pangilinan group dahil wala naman itong problema. At ang LRMC ay naniningil na naman sa DOTC ng P72.7 milyon bawat buwan dahil sa delay sa “right of way delivery.”
Bukod diyan magbabayad din daw ang gobyerno ng P143-milyon dahil 77 coaches lamang meron ang LRT1 sa halip na 87 coaches ayon pa rin sa kontrata.

Mukhang lumilitaw na ang totoo, pinagbabayad ang gobyerno sa pagitan ng mga presyong P7.5 bil-yon (noong Setyembre) at P2 bilyon (ngayong Disyembre) sa isang kumpanya na ang ipinasok lamang ay P935 milyon na concession fee. Saan ka naman nakakita ng ganyang transaksyon? At meron pang “government guarantee” na hindi ito malulugi.

Dito nga sa 2015 budget, merong tinatawag na lump sum na P30 bilyon Risk Management fund para pambayad ng gobyerno sa ganitong kontrata na merong sovereign guarantee…Ibig sabihin, tayong taumbayan pa rin ang papasan nito.

Bayad tayo sa buwis, bayad pa sa dagdag pasahe sa napakaswerteng LRMC na halos barya lang ang puhunan at “tsunami” at “sureball” ang kita. Sobrang garapal ang paghaharing–uri ng mga negosyante at mga tuta nilang pulitiko.

Nagtataka talaga ako sa polisiya ng Tuwid na Daan, yung riles na kumikita tulad ng LRT 1, ibinibigay sa mga negosyante. Iyong LRT2, ibebenta na rin sa negosyante kahit patapos ang Aquino administration.

Iyung MRT3 na sira-sira, pinakialaman ng gobyerno ang may-aring negosyante at bina-buy-out. Bakit? Para ibenta muli sa mga kakamping negosyante?

Itong mga “sovereign guarantee” ay binatikos natin noong panahon ni FVR sa mga IPP’s, pero dito sa administrasyon ni PNoy, muli na naman itong nambiktima ng sambayanan.

TAGS: LRMC, LRT1, LRMC, LRT1

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.