DOJ: CPJ mali sa ulat tungkol sa lagay ng press freedom sa bansa
Pumalag si Justice Sec. Menardo Guevarra sa naging pahayag ng Committee to Protect Journalists (CPJ) na nakababahala ang ginagawang panggigipit ng pamahalaan sa mga miyembro ng media.
Sinabi rin ng CPJ sa kanilang pahayag na nasa alanganing sitwasyon ang press freedom sa bansa sa ilalim ng kasalukuyang pamahalaan.
“Contrary to the opinion of the visiting foreign journalists, I believe that the Philippine press is the freest in the region. Anyone can criticize or say anything against the government without fear of retaliation,” ayon kay Guevarra.
Kasalukuyang nasa bansa ang grupo ni CPJ Board Chair Kathleen Carroll kasama si CPJ Asia Program Head Steven Butler at Peter Greste, na siyang pinuno ng Australia-based Alliance for Journalists’ Freedom (AJF).
Sa isang pahayag ay sinabi ng grupo na politically motivated ang pagbabanta na tinatanggap ngayon ng mga miyembro ng media tulad na lamang sa kaso ni Rappler chief executive officer Maria Ressa.
Nilinaw naman ni Guevarra na iba ang kaso ni Ressa na sinampahan ng reklamo dahil sa isyu ng foreign ownership sa Rappler.
Iba pa ito sa kasong isinampa laban sa kanya ng isang negosyante kaugnay naman sa cyber libel.
Sinabi pa ni Guevarra na malaya ang mga miyembro ng media na magpahayag ng kanilang mga puna sa pamahalaan at hindi ito pinanghihimasukan ng administrasyon.
Samantala, pinununa naman ni Presidential Communications Operations Office Usec. Joel Egco ang timing ng pagpunta sa bansa ng CPJ.
Kanya ring pinuna kung sino ang nag-asikaso sa kanilang pananatili sa bansa.
Nakakapagtaka rin ayon sa nasabing opisyal na nakapag-labas kaagad ng findings ang grupo gayung isang araw pa lamang silang nanatili sa Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.