People’s Survival Fund, dapat nang gamitin dahil sa epekto ng El Nino – Kamara
Hinikayat ng minorya sa Kamara ang mga barangay at non-governmental organizations (NGOs) sa buong bansa na gamitin na ang People’s Survival Fund (PSF) ngayong nakakaranas ang maraming lugar sa Pilipinas ng matinding tag-tuyot.
Ayon kay Deputy Minority Leader Luis Campos, dapat gamitin ang PSF para makapagpatayo ng “rainwater harvesters o collectors” ang bawat komunidad kung saan tuwing tag-ulan ay may pasilidad na magagamit para makapag-ipon ng tubig-ulan at maaaring gamitin kung kulangin ng suplay ng tubig.
Ang PSF ay nabuo sa ilalim ng Climate Change Act of 2009 kung saan taun-taon ay may P1 Bilyong alokasyon para dito.
Binibigyang subsidiya ng PSF ang climate change adaptation at natural disaster resilience strategies para sa mga worst weather conditions tulad ng El Niño, La Niña, habagat at iba pa.
Ibinabala pa ng Kongreso na asahan pang lulubha ang mainit na panahon ngayong Abril at bababa pa lalo ang water level sa mga dams at lawa na nagsusuplay ng irrigation water sa mga magsasaka.
Sa ngayon aabot na sa 61% sa buong bansa kasama na dito ang Metro Manila ang nakakaranas ng matinding drought o tagtuyot dahil sa epekto ng El Niño.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.