1 NPA patay, 2 sugatan sa magkahiwalay na bakbakan sa Southern Mindanao

 

Mula sa Google Maps

Patay ang isang hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) habang dalawa naman ang sugatan sa magkahiwalay na bakbakang naganap sa pagitan ng mga militar at mga rebelde sa Southern Mindanao.

Ayon kay Capt. Rhyan Batchar, public affairs officer ng 10th Infantry Division, sugatan ang isang sundalo at isang barangay captain nang harangin sila ng mga rebelde sa Toril, Davao City.

Nagpapatrolya aniya ang mga tropa ng 28th Battalion ng Philippine Army nang makasalubong ang mga rebeldeng NPA sa Sitio New Cebu sa Barangay Magcagong sakong tanghali ng Sabado.

Nauwi ito sa bakbakang nagtagal ng 20 minuto na ikinasugat ng isa sa mga sundalo.

Nag-iwan pa ng isang improvised explosive device at isang 30-metrong wire nang magsitakas ang mga hinihinalang miyembro ng NPA front 27.

Samantala, isang miyembro naman ng NPA ang napatay ng mga sundalong rumesponde sa insidente ng pananambang sa Barangay Alambre dakong ala-1:30 ng hapon.

Nagtamo ng sugat dahil sa tama ng bala ang kapitan ng Barangay Daliaon na si Generoso Bacalso nang tambangan siya kasama ng kagawad na si Ducris Daug habang sakay ng motorsiklo.

Ani Batchar, nagkataong may grupo ng mga sundalo mula sa 84th Infantry Battalion ang tinatahak rin ang parehong daan kung saan natambangan sina Bacalso, kaya’t nakipagsagupaan na sila sa mga NPA.

Wala namang sundalong nasugatan sa insidente, at narekober din nila ang isang M-653 rifle o mas kilala sa tawag na Baby Armalite.

Read more...