DOLE, nagpaalala sa employers sa holiday pay rules ngayong Semana Santa

Muling nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employers na sumunod sa holiday pay rules.

Alinsunod ito sa Huwebes Santo at Biyernes Santo na kapwa regular holidays at Sabado de Gloria na isang special non-working holiday.

Batay sa Labor Advisory 5, Series of 2019 na inilabas ng DOLE, dapat mabayaran ng mga employers ang kanilang mga manggagawa ng 200 percent ng kanilang sweldo para sa unang walong oras nilang trabaho sa isang regular holiday.

Habang ang trabaho namang sumobra sa walong oras ay kinakailangang bayaran ng dagdag na 30 percent ng kanyang hourly rate sa naturang araw,

Ipinaalala rin ng kagawaran na kung ang manggagawa ay hindi nagtrabaho sa araw ng holiday ay makatatanggap pa rin ito ng buong sahod sa naturang araw.

Samantala, kapag ang empleyado naman ay nagtrabaho pa rin kahit na araw ng pahinga at holiday, kailangan siyang mabayaran ng dagdag na 30 percent ng kanyang 200 percent daily rate.

Sa isang special non-working holiday naman, iiral ang ‘no work, no pay’ policy maliban kung may favorable policy ang kumpanya na magbabayad sa empleyedo sa araw na ito.

Ang mga manggagawang magtatrabaho ay kinakailangang bayaran ng dagdag 30 percent sa unang walong oras ng trabaho.

Habang ang trabaho namang sumobra sa walong oras ay kinakailangang bayaran ng dagdag na 30 percent ng kanyang hourly rate.

Kapag nagtrabaho ang mangagagawa kahit araw ng pahinga, babayaran ito ng karagdagang 50 percent ng kanyang arawang sahod.

Kapag nagtrabaho ang empleyado ng lampas sa walong oras sa araw ng pahinga, kailangang mabayaran ito ng karagdagang 30 percent ng kanyang hourly rate sa naturang araw.

Read more...