Dahil sa matinding trapik at sa pangambang siya pa ang mahuli sa okasyon, nag-tricycle na lamang ang presidente at Chief Executive Officer ng Inquirer na si Ms. Sandy Prieto-Romualdez makarating lamang sa tamang oras para sa launching ng bagong libro ng Inquirer.
Sa kabila ng kanyang kasuotan na pulang terno at high heels, sumakay sa tricycle si Romualdez at nakumbinsi ang driver nito na ihatid siya sa isang five-star hotel sa Pasay City kung saan gagawin ang pagpapasinaya sa libro na naglalaman ng 30 taong kasaysayan ng pahayagan.
Dahil sa pagpupursige, dumating si Romualdez nang halos eksakto lamang sa oras.
Gayunman, marami rin sa mga bisita ang napilitang maglakad ng ilang kilometro noong gabing iyon makarating lamang sa lugar na pagdarausan ng book launching kahit naka-barong o di-kaya ay naka- Filipiniana gown.
Todo pasasalamat naman ang pamunaun ng Inqurier sa mga panauhin na binuno ang matinding trapik makarating lamang sa okasyon ng pagpapasinaya ng pinaka-personal na libro ng Inquirer na pinamagatang “The Inquirer Story: 30 Years of Shaping History.”
Napapaloob sa naturang libro ang 312-pahina ng mga kataga at imahe na naging bahagi na naging bahagi na ng kasaysayan na humubog sa bansa sa loob ng tatlumpong taon.
Nilalaman din nito ang ilan sa mga malalaking pangyayari na nagsilbing ‘turning point’ sa kasaysayan ng Pilipinas tulad ng pagkamatay ni dating Pangulong Ferdinand Marcos at ang July 1990 killer earthquake.
“It’s a great way to see the history of the Philippines for the last 30 years, not just the Inquirer … I’m so proud of the team. There’s so much talent,” ayon pa kay Romualdez.
Ang libro ay para aniya sa mga mambabasa ng Inquirer na patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa kabila ng mga pagbabago sa industriya ng pamamahayag.