Duterte nanawagan ng agarang ceasefire sa mga rebelde
Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte ng agarang ceasefire o tigil putukan sa New People’s Army (NPA).
“Yong mga NPA, gusto talaga ninyo ng usapang matino. Immediate ceasefire. Walang magdala ng armas sa kampo ninyo sa labas. Walang taxation. Walang pagsunog,” pahayag ng Pangulo sa kampanya ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa Tuguegarao City, Cagayan.
Inulit din ng Pangulo ang panawagan kay Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison na umuwi na sa Pilipinas at makipag-usap sa gobyerno.
“Umuwi ka dito, Sison. Akong bahala sa ‘yo. Hindi ako traydor na tao. I give you my word of honor, mag-usap tayo. Pero nothing about coalition government. You can never have even an iota of the sovereign power of the Republic of the Philippines,” dagdag ni Duterte.
Matatandaan na noong November 2017 ay inilabas ng Pangulo ang Proclamation No. 360 na nag-terminate sa peace talks sa pagitan ng pamahalaan at mga rebeldeng komunista.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.