China, may mga bagong airstrip sa Spratlys

 

Inquirer file photo

Nagtatayo ang China ng dalawa hanggang tatlong karagdagang airstrips sa mga bagong tayong isla sa Spratlys na pasok sa exclusive economic zone ng Pilipinas.

Dahil dito, mas nakababahala na ngayon ang ginagawang reclamation ng China sa mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea sa pamamagitan ng pagtatambak ng buhangin sa mga coral reefs dahil ngayon ay nagsisimula na ang pagtatayo ng mga gusali, daungan at mga runway.

Ginagamit na rin ng China ang isang airfield sa inangkin nitong Phu Lam Island o Woody Island chain ng Vietnam.

Ayon sa director ng International Security Program at the Lowy Institute sa Sydney, Australia na si Euan Graham, mas mapapaigting ng mga ito ang presensya ng Chinese Coast Guard at Navy sa mga pinagaagawang teritoryo.

Nananatili pa ring hindi malinaw kung ano ba talaga ang pakay ng China sa mga ginagawa nilang island airstrips.

Kamakailan lamang, tumanggi si Chinese defense ministry spokesperson Wu Quian na tukuyin kung ilan talaga ang balak nilang itayo at kung para saan, ngunit paulit-ulit lamangniyang iginiit na ito ay “purely for defensive purposes.”

Paniwala ni Graham, malamang ito ay para maliitin ang mga kalaban nila tulad ng Pilipinas at Vietnam.

Matatandaang simula noong nakaraang taon ay inaangkin na ng China ang halos buong South China Sea sa pamamagitan ng pagtatayo ng pitong bagong features sa Spratlys, na may kabuuang 800 ektarya base sa mga sattelite photos na hawak ng mga ahensya ng pamahalaan ng Amerika.

Read more...