Lumagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at Cisco.
Layunin nitong magtulungan ang kagawaran at ang naturang international technology company para palakasin ang cybersecurity sa bansa.
Sa ilalim ng MOU, magpapalitan ng impormasyon o security intelligence ang DICT at Cisco para mas maprotektahan ang imprastruktura ng komunikasyon at impormasyon ng gobyerno laban sa mga banta.
Magsasagawa rin ng mga pagsasanay ang dalawang ahensya para paigtingin pa ang cybersecurity.
Prayoridad ng DICT ang pagpapalakas sa cybersecurity ng bansa sa gitna ng digital transformation ng gobyerno at ng pangunahing industriya, gaya ng mga bangko.
Sa gitna nito, ipinahayag ni DICT Acting Secretary Eliseo Rio Jr. na ginagawa ito ng kagawaran para mapanatili itong ligtas.
Aniya, maliban sa paggamit ng naayong teknolohiya, kabilang rin sa hakbang na ito ang pagbuo ng local talent pool sa sektor na ito.
Matatandaang noong Mayo 2017, inilunsad ng DICT ang National Cybersecurity Plan 2022.