DOH nagbabala sa panganib ng pagpapapako sa krus, pananakit sa sarili

Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko sa panganib ng pagpapapako sa krus at self-flagellation o pananakit sa sarili bilang panata ngayong Semana Santa.

Ayon kay DOH Usec. Eric Domingo, ang pagkakaroon ng open wounds ay maaaring mauwi sa mga impeksyon na nakamamatay tulad ng tetanus.

Iginiit ng opisyal na lubhang nakakatakot ang tetanus bukod pa sa mga bacterial infections na maaaring pumasok sa balat sa pamamagitan ng mga sugat.

Ani Domingo, pinakamalalang mangyari ay ang sepsis na napupunta ang bacterial infection sa dugo.

Sakali namang balak talaga ng isang deboto na ituloy ang pagpapapako sa krus ay nagpayo ang DOH na dapat siguruhing malinis at sterile ang mga kagamitan.

Sinabi rin ni Domingo na dapat linisin ang mga sugat upang hindi ito maimpeksyon at kumonsulta sa doktor kung kinakailangan.

Samantala, ang self-flagellation naman kahit walang bukas na sugat ay mapanganib sa kalusugan kapag ginawa ito ng ilang oras sa ilalim ng sikat ng araw.

Ayon kay Domingo, mas tumataas ang panganib ng heatstroke kapag naglalabas ng pwersa ang katawan sa mainit na panahon.

Read more...