CBCP nagbabala sa publiko sa pagpapapako sa krus ngayong Semana Santa
Muling nagpaalala ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga deboto na hindi kailaman nanghikayat ang Simbahan ukol sa pagpapapako sa krus o kaya’y pananakit sa sarili tuwing Semana Santa.
Ayon kay CBCP Permanent Committee on Public Affairs Executive Secretary Fr. Jerome Secillano, hindi tama ang pananaw na mapapatawad sa mga kasalanan ang mga taong nagpapapako sa krus at sinasaktan ang kanilang mga sarili.
Ani Secillano, ang teolohiya na mismo ang nagsasabi na ang pagpapapako at kamatayan ni Hesus sa Krus ay sobra na para tubusin ang tao sa kasalanan at hindi na ito dapat inuulit pa.
Iginiit ng pari na batay sa katuruan ng Simbahang Katolika, ang nagnanais na mapatawad sa mga kasalanan ay dapat mangumpisal imbes na magpapako sa krus o saktan ang sarili.
Taun-taon, libu-libong katao ang nagpupunta sa Brgy. Cutud sa Pampanga para tunghayan ang pagpapapako sa krus ng ilang mga deboto tuwing Biyernes Santo.
Marami ring mga deboto sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang sinasaktan ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paghahampas sa likod ng matatalas na bagay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.