DOTr: Dagdag na 160 bus, bibiyahe sa ruta ng MRT-3 ngayong Semana Santa
Binigyan ng Department of Transportation (DOTr) ng special permits ang karagdagang 160 bus para magsakay ng mga pasahero sa ruta ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ngayong Semana Santa.
Ang pagbiyahe ng dagdag na mga bus ay sa gitna ng maintenance shut down ng MRT-3 sa kabuuan ng Holy Week.
Ang naturang bilang ng mga bus ay dagdag sa 140 bus na bumiyahe na simula Lunes Santo.
Ang mga bus ay magsasakay at magbababa ng mga pasahero sa mga istasyon ng MRT-3 sa North Avenue hanggang Taft Avenue mula alas 5:00 ng umaga hanggang alas 9:00 ng gabi mula April 15 hanggang 17 at April 20 hanggang 21.
Pero hindi nabanggit ng DOTr kung kailan eksakto ang deployment ng dagdag na mga bus.
Una rito ay hinimok ni Transportation Sec. Arthur Tugade ang mga bus operators na tumulong sa Bus Augmentation Program ng ahensya dahil nasa 320,000 hanggang 350,000 ang mga pasahero ng MRT-3 araw araw.
“Sa ating mga kasamahang bus operator, malaki ‘ho ang maitutulong niyo sa ating mga commuter kung kayo’y sasali at magbibigay tulong sa programang ito (For our bus operators, you can help our commuters if you support this program),” pahayag ni Tugade.
Samantala, tiniyak ni Land Transportation Franchising and and Regulatory Board (LTFRB) chairman Martin Delgra sa mga bus operators ang mabilis na aplikasyon at proseso ng special permits para sa dagdag na mga bus.
“Ang kailangan lang po, pumunta sila sa LTFRB, didikitan sila ng stickers at bibigyan sila ng fare matrix. Sa ganitong pagkakataon, kailangan namin ang kooperasyon ng mga bus operator,” ani Delgra.
Binanggit pa ng DOTr na mas matagal ang maintenance shut down ng MRT-3 ngayon kumpara sa nakalipas na mga taon kaya hiniling ng ahensya ang pang-unawa ng mga pasahero.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.