Humaba ang pila ng mga pasahero sa EDSA dahil sa kawalan ng serbisyo ng MRT-3 simula ngayong araw ng Lunes, April 15.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi MMDA Special Operations Head Bong Nebrija, humaba ang pila partikulart sa Taft Avenue Station sa Pasay City.
Ito ay dahil dakong alas 8:00 ng umaga ay apat na bus pa lang ang dumarating sa nasabing istasyon at hindi ito sumapat para ma-accommodate ang lahat ng pasahero na dapat ay sasakay ng MRT-3.
Nagtayo din ng tent sa Taft station para masilungan ng mga pasaherong nakapila at nagtalaga ng ambulansya.
Tumulong naman ang MMDA para sa maayos na pagpapapila sa mga pasahero upang hindi sila makaabala sa daloy ng traffic sa EDSA.
Ayon kay Nebrija, may lugar lang kung saan pinapila ang mga pasahero.
Maliban dito, ang mga bus na nagsasakay ng mga pasahero ng MRT ay sa mga MRT stations lang pwedeng magbaba at magsakay.