Kalbaryo ng mga magsasaka dahil sa Rice Import Liberalization Law ayon kay Rep. Ariel Casilao

Inquirer file photo

Isinisi ni Anakpawis Rep. Ariel Casilao sa bagong lagdang Rice Import Liberalization Law ang aniya’y maagang kalbaryong dinaranas ng mga magsasaka ngayong Semana Santa.

Ayon kay Casilao, halos labindalawang piso na lang kada kilo ang farmgate price ng palay dahilan kaya’t nahihirapan at nawawalan na ng pag-asa ang mga magsasaka sa buong bansa.

Nagtatalon aniya sa tuwa ang mga kapitalista ng administrasyon dahil sa inaasahang pagbaha ng suplay ng imported na bigas dulot ng bagong batas kapalit ng pagkasira ng hanapbuhay ng milyun-milyong magsasaka.

Tinukoy rin ni Casilao ang hindi balanseng presyuhan ng palay kung saan base sa tala ng Philippine Statistics Authority, ang farmgate price ay nasa 18.87 pesos kada kilo habang ang well-milled at regular-milled rice ay nasa 40.02 hanggang 44.22 pesos.

Kung ikukumpara noong nakaraang taon ay tumaas umano ang retail price ng 0.7 hanggang 1.7 percent habang bumagsak ang farmgate price nang 8.4 percent.

Sa halip na makatulong anya ang pag-aangkat ng hanggang 2.3 million metric tons ng bigas ay binabangkarote lamang nito ang local production ng mga magsasaka at tumataas pa rin ang presyo ng bigas.
Excerpt:

Read more...