Ngayong holiday season, binalaan ng mga eksperto ang publiko laban sa tinatawag na ‘holiday stress’ na maaaring maka-apekto o mag-alis sa Christmas happiness.
Ayon kay Philippine College of Physicians o PCP Foundation President Dr. Anthony Leachon, ang matinding daloy ng trapiko, crowd o dami ng mga tao at shopping ay ilan lamang sa nagdudulot ng holiday stress.
Babala ni Leachon, ang holiday stress ay posibleng magresulta ng atake sa puso, stroke, at iba pang sakit sa Christmas time.
Ani pa Leachon, madalas na naitatala ang mga nabanggit na sakit sa Yultide season.
Batay aniya sa informal survey ng Metro Manila hospitals noong 2004 hanggang 2008, mataas ang emergencies at admissions tuwing panahon ng Pasko.
Kabilang na rito ang mga naisusugod sa ospital dahil sa heart attack at stroke na tumaas sa 153 noong December 2004; 163 noong 2005; 172 noong 2006; 170 noong 2007; at 170 noong 2008.
Nauna nang pinayuhan ng Department of Health ang publiko na planuhing mabuti ang kani-kanilang Christmas activities upang maiwasan ang tensyon at stress.
Marapat din aniyang iwasan ang pagtungo sa matatao at masisikip na mga lugar, lalo’t dito karaniwang mataas ang tsansa na kumalat ang mga sakit.