Nakabalik na ng Pilipinas si Pangulong Noynoy Aquino mula sa kanyang state visit sa Italy at two-day working visit sa Paris, France.
Dumating si Presidente Aquino kahapon ng hapon (December 05, 2015) sa Ninoy Aquino International Airport terminal 2.
Ang arrival honors ay pinangunahan ni Armed Forces of the Philippine chief of staff General Hernando Iriberri.
Sa kanyang arrival statement, sinabi ni Pangulong Aquino na tunay na napakasarap na umuwi sa bansa lalo na kung may bitbit na magandang balita.
Ikinuwento ni Pnoy ang kanyang pagdalaw sa Paris, France para daluhan ang 21st Conference of Parties ukol sa climate change kung saan inihain ng Pilipinas ang paninindigan at solusyon sa isyu ng nagbabagong klima.
Ayon kay Pnoy, isa pang magandang resulta ay suportado ng France at Germany na huwag palagpason sa 1.5 degrees celsiuis ang pag-angat sa global temperature.
Nagkaroon din ang Punong Ehekutibo ang pagpupulong kasama ang mga lider ng malalaking negosyo sa France, gaya ng Sanofi Pasteur na kilalang kumpanya ng gamot na nagpahayag daw ng hangad na mailabas sa Pilipinas ang isang vaccine para sa apat na strain ng dengue.
Dagdag ng Pangulo, kinalap niya ang interes ng Airbus, na makakatulong sa lalong pag unlad ng sariling aerospace industry sa Pilipinas.
Ikinuwento rin ni Pnoy ang pakikipagkita niya kay Pope Francis sa Vatican City, habang pinag usapan naman daw nila ng Cardinal Secretary of State ang peace process, at mga konkretong paraan para maibsan ang kahirapan sa ating bansa.