Pangulong Duterte: Inday Sara hindi tatakbo sa pagkapangulo sa 2022
Hindi tatakbo sa pagkapangulo sa 2022 si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ayon mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa talumpati sa campaign rally ng PDP-Laban sa Bacolod City, pinabulaanan ng presidente ang mga usap-usapan na inihahanda ang kanyang anak para maging susunod na presidente.
“If I know Inday, hindi ‘yan tatakbo ng pagka-presidente”, ayon sa pangulo.
Ayon pa kay Duterte, siya mismo ay hindi papayag na tumakbo ang alkalde para sa posisyon.
“Wise ‘yan si Inday. She just wants to shake the tree and get rid of the dry leaves and everything. Hindi ako papaya na tumakbo,” giit ng presidente.
Kamakailan lamang ay inihayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi siya magugulat kung si Inday Sara ang papalit sa kanyang ama sa Malacañang sa 2022.
Iginiit ni Panelo na marami ang may bilib sa alkalde at nakikita rito ang karakter ng kanyang ama.
Noong Pebrero, hinimok ni Duterte-Carpio ang kanyang mga tagasuporta na ihinto ang pagtawag sa kanya bilang susunod na presidente dahil magiging numero uno anya siya sa hate list ng mga nais talagang tumakbo para sa pwesto.
Iginiit ng nakababatang Duterte na tinutulungan lamang niya ang kanyang ama sa natitirang tatlong taon ng administrasyon nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.