Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na i-veto ang P3.757 trillion na pambansang pondo para sa 2019.
Sa talumpati sa campaign rally ng Partido Demokratiko Pilipinas-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa Bacolod City, sinabi ng pangulo na kakapasa lang ng budget.
Pinag-aralan pa aniya ng Department of Budget and Management (DBM) ang budget bago ipinasa sa Office of the President.
Natanggap ng Palasyo ng Malakanyang ang kopya ng 2019 General Appropriations Bill (GAB) noong March 26 matapos ang hindi pagkakaunawaan ng Senado at Kongreso sa budget.
Ayon sa Punong Ehekutibo, masusi niyang pag-aaralan ang pondo maging ang umano’y insertions nito.
Kung maging tagilid aniya, hindi ito magdadalawang-isip na i-veto ang buong pondo.
“Eh hindi magkasundo ang Congress pati ang Senado eh, pati yung mga insertions diyan titignan ko. Pagka tagilid talaga, I will not hesitate to veto the entire budget. Eh ‘di pasensya tayong lahat,” pahayag ni Duterte.
Patuloy namang mag-ooperate ang gobyerno sa ilalim ng reenacted budget hanggat hindi napipirmahan ang pambansang pondo ngayong taon.