Mabigat na daloy ng trapiko sa NLEX inaasahan sa Miyerkules Santo

Inquirer file photo

Inaasahang aabot sa 15 porsyento ang dagdag na dami ng mga sasakyang dadaan sa North Luzon Expressway (NLEX) sa darating na Semana Santa.

Sa isang press conference, sinabi ni NLEX Corporation President at General Manager Luigi Bautista na ito ang kanilang projection base sa naitalang dami ng sasakyan noong nakaraang taon.

Noong 2018, umabot kasi sa 330,000 na sasakyan kada araw ang naitala ng NLEX sa kasagsagan ng Semana Santa.

Malayo ito sa 250,000 na sasakyan kapag normal na araw.

Handa naman aniya ang NLEX na ma-accommodate ang nasabing bilang ng mga sasakyan sa Semana Santa.

Samantala, sa Manila-Cavite Expressway (Cavitex) naman, posibleng pumalo na 20 porsyento ang dami ng mga bibiyahe.

Ayon kay Cavitex President at General Manager Roberto Bontia, maaaring umabot sa 170,000 hanggang 175,000 na sasakyan ang maitala simula sa Miyerkules Santo.

Mas mataas ito sa 150,000 hanggang 160,000 na pangkaraniwang bilang ng mga sasakyan sa super highway.

Karaniwan aniyang bumubuhos ang mga nagsisiuwian sa mga probinsya tuwing Miyerkules Santo.

Gayunman, posible aniyang mas mababa na ang dami ng mga sasakyan simula Huwebes Santos hanggang Linggo ng Pagkabuhay base sa kadalasang pattern sa Cavitex.

Read more...