China binigyan ng palugit ng Malacañang para sumagot sa diplomatic protest
Nagbigay ng ilang araw na palugit ang Malacañang sa China para sagutin ang diplomatic protest na inihain ng Department ng Foreign Affairs (DFA) dahil sa presensya ng Chinese maritime militia vessels sa Pag-asa island.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, kapag naghain ng note verbale o protesta ang isang bansa, binibigyan naman ang respondent ng sapat na panahon na pag-aralan at sagutin ang reklamo.
Sa ngayon ayon kay Panelo, wala pang tugon si Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua sa diplomatic protest ng Pilipinas laban sa China.
Ayon kay Panelo, mayroong missed call sa kanyang cellphone kahapon si Zhao subalit hindi niya nasagot ang tawag dahil sa dami ng kanyang meeting.
Hindi rin isinasantabi ni Panelo ang posibilidad na matalakay nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping ang mga inihaing diplomatic protest ng Pilipinas kontra sa China dahil sa dami ng presensya ng mga Chinese vessels sa mga isla sa West Philippine sea na sakop ng Pilipinas.
Nakatakdang dumalo si Pangulong Duterte sa belt and road forum sa China sa katapusan ng Abril.
Una rito, sinabi ni DFA Secretary Teodoro Locsin na naghain na siya ng protesta bago pa man tumulak patungong China noong March 17.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.