Sa kauna-unahang pagkakataon, nagpaplano nang kumilos ang Commission on Human Rights (CHR) laban sa mga kumpanyang pangunahing nagsasanhi ng polusyon o ang 50 international “carbon majors”.
Ito ang magiging tugon ng CHR sa mga petisyong inihain sa kanila ng iba’t ibang grupong nagsusulong ng pag-aalaga sa kalikasan.
Sa December 10, Human Rights Day, sisimulan ng CHR ang imbestigasyon nila sa mga fossil fuel companies na kabilang sa mga carbon majors, tulad na lamang ng Chevron, at Royal Dutch Shell.
Ito ang magiging kauna-unahang ligal na aksyon sa buong mundo na nakatuon sa pagpapanagot sa mga kumpanyang malaki ang responsibilidad sa pagpapalala ng climate change, kasabay ng paglabag sa mga karapatang pantao sa pamamagitan ng environmental pollution.
Karamihan sa mga itinuturing na 50 carbon majors ay mula sa industriya ng langis, gas at coal-extraction activities.
Para maisakatuparan ito, makikipagtulungan ang CHR sa mga United Nations human rights agencies, tulad na lamang ng Climate Change Commission dito sa Pilipinas, at iba pang ahensya ng gobyerno para matiyak na tutugon ang mga kakasuhan sa reklamong ihahain.
Magtutulungan rin sila para magsagawa ng mga public hearings at ng mga imbestigasyon sa mga lumalabag sa karapatang pantao sa mga lugar na madaling maapektuhan.
Ayon sa legal and political advisor ng Greenpeace Southeast Asia na si Zelda Soriano, layon nitong ligal na mapapanagot ang mga top emitters ng carbon dioxide at greenhouse gases na nagdudulot ng matinding epekto ng climate change.
Kasama rin aniya sa petisyon nila na obligahin ng CHR ang mga carbon majors na ibahagi ang kanilang mga plano para mapagaan o mabawasan ang tindi ng epekto ng kanilang mga operasyon na nagdudulot ng pousyon sa paligid.
Bukod sa mga kumpanyang ito, kasama rin dapat obligahin aniya ng CHR ang gobyerno ng Pilipinas na maghanda ng mga human rights mechanisms para sa mga nabiktima ng climate change.
Gayunman, aminado rin si Soriano na mahihirapan silang maisakatuparan ang mga ito, ngunit iginiit naman ni Gregory Regaignon, research director ng Business & Human Rights Resource Center na ang mga kasong ito ang kinatatakuyan ng mga kumpanya.
Isa rin aniyang malaking bagay ang pagkilala ng CHR sa mga petisyong ito na siyang magtutulak sa mga carbon majors na gawin ang tama.