Nanawagan si Sen. Sonny Angara sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Libya na umuwi na ng Pilipinas dahil sa patuloy na nararanasang kaguluhan sa naturang African country.
Sa isang pahayag, sinabi ni Angara na dapat ay hindi mag-alinlangan ang mga OFWs na umuwi dahil may programa ang gobyerno para sa mga ito.
Sinabi ng senador na ang benepisyo mula sa gobyerno ay dapat mapakinabangan ng OFWs dahil galing naman ito mismo sa kanilang mga bulsa.
“Huwag sanang mag-alinlangan ang ating kababayang OFWs dahil may mga programa ang gobyerno para sa kanila. Ang benepisyong ito ay nanggaling mismo sa kanilang bulsa kaya marapat lamang na sila ay makinabang dito, lalo na sa panahong kailangan nila ng tulong,” ani Angara.
Sa ilalim ng Republic Act 1081, mandato ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na magbigay ng benepisyo at serbisyo sa kanilang mga miyembro kabilang dito ang repatriation assistance at loan and credit assistance.
Iginiit ni Angara na ang remittances ng mga OFWs ang nagpapatatag ng ekonomiya ng Pilipinas sa loob ng maraming taon.
Samantala, sinabi naman ng senador na may karagdagang P100 milyon na alokasyon ang Senado sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng 2019 budget para sa emergency repatriation program nito.