Mga turista dagsa na sa Cagayan De Oro City ngayong summer
Nagsimula nang dumagsa sa Cagayan De Oro City ang mga foreign at local tourists ayon sa monitoring ng local tourism council ng lungsod.
Kabilang sa mga dinadayo ng mga turista sa Cagayan De Oro City ay ang sikat na whitewater rafting sa ilog na humahati sa lungsod at lalawigan ng Bukidnon.
Mayroong apat na rapid trails na pwedeng pagpilian ang mga turista: Beginners, Advanced, Expert, at Extreme.
Ang Beginners course ay pasok para sa mga first-timers, habang ang Advanced at Expert naman ay inirerekomenda para sa mga gusto ng intense rapids.
Samantala, ang Extreme course ay inaalok sa mga may matagal na karanasan sa whitewater rafting.
Bukod sa whitewater rafting, ipinagmamalaki rin ng Cagayan de Oro na isa ito sa mga lungsod na dinarayo para sa whitewater kayaking.
Hindi tulad sa whitewater rafting na kailangan ang teamwork, ang whitewater kayaking ay para sa mga thrill-seekers na gustong mag-solo.
Isa rin sa pinupuntahan sa lungsod ang Mapawa Nature Park, na may iba’t ibang water activities para sa mga bakasyonista.
Kabilang sa mga patok sa turista ang obstacle course, river trek, at canyoneering.
Samantala, patuloy na sinisikap ng lokal na pamahalaan na siguraduhin ang kaligtasan ng mga bakasyonistang dumarayo sa lungsod para subukan ang mga extreme water activities dito.
Paulit-ulit na pinapaalalahanan ng lokal na pamahalaan ang mga travel agencies sa lungsod na sumunod sa safety standards at siguraduhin na may sapat na kaalaman sa pangunang lunas ang mga tour guides nito.
Kamakailan lang, binalaan ni City Mayor Oscar Moreno ang mga travel agencies na istriktong magpatupad ng safety measures para sa kanilang mga extreme water activities at ang mabibigong ipatupad ito ay sususpindihin ang kanilang mga business permits.
Binigyang diin din ni Moreno ang pangako ng kaniyang pamahalaan na patuloy na paunlarin ang turismo ng lungsod.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.