IRR para sa 20% discount sa mga estudyante pinamamadali ni Sen. Angara

Posibleng lagdaan na ni Pangulong Duterte at tuluyan nang maging isang ganap na batas ang institutionalized 20-percent student fare discount.

Ito ang sinabi ni re0electionist Senator Sonny Angara, na isa sa mga may-akda ng naturang batas.

Kasabay nito, ang senador sa Department of Transportation (DOTr) na agad ihanda ang implementing rules and regulations (IRR) o mga panuntunan sa pagpapatupad ng nasabing batas sa sandaling mapagtibay na ito ng pangulo.

“Kung sigurado naman tayo na papasa na ang isang batas, dapat ay maging maagap ang ahensyang magpapatupad nito at bumuo agad ng mga kaukulang panuntunan. Ilang linggo na lang, pasukan na, kaya dapat ay magawa na ang IRR,” ayon kay Angara.

Layunin ng batas na palawakin ang sakop ng student fare na kung dati ay tuwing araw lamang na may pasok, gagawin na itong pang-araw-araw sa buong taon.

Pangunahing layunin ng Senate Bill 1597 na gawing permanente ang fare discount at ipatupad ito sa lahat ng oras kahit pa holiday, weekends o bakasyon ng mga mag-aaral.

Nakasaad sa batas na sinumang lumabag dito ay may kaukulang multa mula P5,000 sa unang pagkakataon, P10,000 sa second offense at isang buwang mai-impound ang kanilang sasakyan; P15,000 sa ikatlong paglabag at pagbawi sa kanilang franchise.

Read more...