Pinabulaanan ng Philippine Embassy sa Libya ang mga ulat na ang kanilang mga opisyal ay umalis na at inabandona ang mga Filipino sa gitna ng kaguluhan.
Sa isang pahayag, iginiit ni Ambassador Elmer Cato na wala silang plano na iwan ang Filipino community.
Anya, mananatili sila sa Libya sa kaparehong paraan na ginawa ng mga unang opisyal ng embahada.
“As the fighting gets closer to Tripoli, we would like to take this opportunity to assure the members of the Filipino Community that we have no plans of leaving. We will be staying here with them the same way colleagues who came before us did,” ani Cato.
Kwento ni Cato, may narinig na kwento ang ilang mga Pinoy na ang mga tauhan ng embahada sa Tripoli ay inutusang lumipat sa Tunis.
Iginiit ni Cato na sila ay nasa embahada pa rin at tinitingnan ang sitwasyon ng mga kababayang Pinoy.
“Apparently, they heard rumors that we at the Philippine Embassy in Tripoli have been ordered to move to Tunis. We were most surprised because we were here at the Embassy checking on our kababayan,” ayon pa kay Cato.
Sinabi pa ni Cato na kahit pa sa pinakamarahas na sitwasyon sa kasaysayan ng Libya, hindi kailanman isinara ng Pilipinas ang embahada sa Tripoli o hindi kaya ay pinaalis ang staff nito.
Ang mga Filipino anyang nagtatrabaho sa Libya ang dahilan kung bakit patuloy na bukas ang embahada sa nakalipas na mga taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.