Dalagitang patay sa pamamaril sa Tondo, posibleng napagkamalan na drug suspect
Hustisya ang sigaw ng pamilya ng 17 anyos na babae na patay sa pamamaril habang bumibili sa isang tindahan sa Tondo, Manila.
Nagdadalamhati ang ina ng biktimang si Ronalyn Jamon na si Desiree Cordero sa sinapit ng kanyang anak.
Sa CCTV ng Barangay 129, makikita na nakikipag-usap ang dalagita sa isang babae habang nasa tapat ng isang tindahan.
Mapapanood na una ng may lumapit at nanutok ng baril kay Jamon pero umalis din ang lalaki.
Makalipas ang ilang saglit ay isa pang lalaki ang dumating at pinagbabaril na ang dalagita.
Ayon sa pulisya, bago barilin ang biktima ay tinawag ito ng suspek sa pangalang “Juanabie.”
Sinabi ng ina ng dalagita na isang “Juanabie” ang kilala sa lugar na nagtutulak umano ng droga.
Kasing-katawan umano at pareho ng ayos ng buhok ang biktima at ang tinatawag na “Juanabie.”
Ayon naman kay Police Lt. Col. Reynaldo Magdaluyo ng Manila Police District Station 1, ang sinasabing “Juanabie” ay umorder o pinagbagsakan ng bulto ng droga pero hindi ito nakabayad.
Samantala, sa follow-up operation ay naaresto ang umanoy look-out na si Alfie Cubelo habang patuloy na tinutugis ang gunman.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.