Ipinangalan ang tatlong minor planet sa tatlong Filipinong nag-uwi ng major prize sa 2018 Intel International Science and Engineering Fair (ISEF).
Sa Facebook page, inanunsiyo ng Department of Education (DepEd) na nakatanggap ng certificate sina Eugene Rivera, Joscel Kent Manzanero, at Keith Russel Cadores mula sa Camarines Sur National High School sa Naga City, Camarines Sur para sa minor planet at orbital plot.
Nagwagi ng Second Place Award ang tatlong estudyante sa “Energy: Physical” category ng 2018 Intel ISEF para sa kanilang disensyo at development ng Solar-Tracking Arduino-Rooted PV Panels.
Nirepresenta ng tatlo ang Pilipinas sa international science fair kasunod ng tagumpay sa 2018 National Science and Technology Fair (NSTF).
Binanggit din ng kagawaran na simula 2001, pinangangalanan ng Massachusetts Institute of Technology (MIT) Lincoln Laboratory ang mga nadidiskubreng asteroids para bigyang-pagkilala ang mga high school student na nagpapakitang-gilas pagdating sa science competitions.