Otso Diretso senatorial candidates sinubukang makabisita sa Scarborough Shoal
Binatikos ng Otso Diretso senatorial candidates ang administrasyong Duterte dahil sa umano’y pagpigil na makabisita sila sa Scarborough Shoal.
Araw ng Lunes ay tumungo sa isang coastal town sa Masinloc, Zambales sina Gary Alejano, Chel Diokno, Samira Gutoc at Florin Hilbay.
Iginiit ng apat kay Pangulong Rodrigo Duterte na tuparin ang pangakong pagsakay nito sa jet ski at ipagtanggol ang mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Sa isang pahayag, sinabi ng Otso Diretso candidates na ang orihinal nilang plano ay magtungo sa Scarborough Shoal ngunit pinigilan umano sila ng Philippine Coast Guard.
Layon umano sana ng kanilang pagbisita na makita ang sitwasyon ng mga mangingisdang Filipino at kung paano ginigipit ang mga ito ng China.
Ayon kay Alejano, maliwanag na binubulag ng administrasyon ang publiko sa nagaganap sa West Philippine Sea upang hindi mag-alsa ang mga Filipino sa panggigipit ng mga Tsino sa mga mangingisdang Pinoy.
“Binubulag ang publiko sa totoong nangyayari sa West Philippine Sea, sa Scarborough para hindi magkaroon ng outrage ang mga mamamayang Pilipino sa panggigipit at pangha-harass ng Tsino sa ating mga mangingisda,” ayon kay Alejano.
Ayon naman kay Hilbay, senyales ang pangyayari ng pangmalawakang control ng China at kawalang kapasidad ni Pangulong Duterte na manindigan laban sa naturang bansa.
Samantala, nangako ang mga pambato ng oposisyon na dadalhin sa Senado ang laban sa China sakaling mahalal sa Mayo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.