May kaugnayan sa mga taong iniimbestigahan dahil sa international terrorism ang mag-asawa na nasa likod ng mass shooting sa San Bernardino county sa California.
Si Syed Rizwan Farook at asawang si Tashfeen Malik ay may kaugnayan umano sa ilang indibidwal na iniimbestigahan ng FBI dahil sa pagkakasangkot sa terorismo.
Isa umanong radicalized si Farook at ito ang nagbunsod sa kaniyang ginawang pamamaril sa isang social service center sa San Bernardino na ikinasawi ng 14 na katao.
Nagbiyahe na din umano sa Pakistan si Farook, gayundin sa Saudi Arabia.
Sa record ng Saudi at U.S. officials si Farook ay nasa Saudi Arabia noong July 2014. Siyam na araw umano siyang nanatili sa nasabing bansa.
Sa isinagawang imbestigasyon, natukoy na si Farook ay nagkaroon ng komunikasyon sa pamamagitan ng telepono at social media sa higit sa isang katao na iniimbestigahan dahil sa pagkakasangkot sa terorismo.
Matapos mapatay ng mga otoridad ang mag-asawang suspek, natagpuan ng mga otoridad ang 12 pipe bombs, at daan-daang gamit sa paggawa ng IEDs.