Batas na ‘Doble Plaka’ sa mga motorsiklo, maaring maremedyuhan sa amendments ng IRR – Palasyo
Amendments o paglalatag ng maayos na Implementing Rules and Regulations (IRR) ang nakikitang remedyo ng Palasyo ng Malakanyang bago ang implementasyon ng Republic Act 11235 o Motorcycle Crime Prevention Cct of 2019 o mas kilala bilang ‘Doble Plaka.’
Tugon ito ng Palasyo sa pangamba ng motorcycle riders na safety risk ang metal plate sa harapan at tumama sa drayber.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, sa ngayon, hindi pa maipatutupad ang batas hanggat walang IRR.
Ayon kay Panelo, base sa kanyang pakikipag-ugnayan kay Senador Richard Gordon, may-akda ng batas, decal o sticker lamang at hindi metal plate ang plaka na ilalagay sa harapan ng motorsiklo.
Una rito, bagamat nilagdaan na ang batas, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya pabor na lagyan plaka ang harapan ng motorsiklo dahil mapanganib sa disgrasya at kakausapin na lamang si Gordon para maremedyuhan ang batas.
Ayon kay Panelo, wala pang iskedyul kung kailan mag-uusap ang pangulo at si Gordon para sa doble plaka.
Bukod sa dalawang plaka, inaayawan din ng pangulo ang multang P50,000 para sa mga lalabag sa batas.
Masyado aniyang mataas ang multa at dapat ibaba sa P10,000 hanggang P15,000 na lamang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.