Viral post ng negosyante si Xian Gaza na nagdedetalye kung paano siya nakalusot sa Immigration, fake news ayon sa BI
Tinawag na ‘fake news’ ng Bureau of Immigration (BI) ang viral post ng negosyanteng si Xian Gaza na nagdedetalye kung paano siya nakalusot sa Immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) palabas ng bansa.
Sa serye ng posts, inisa-isa ni Gaza ang kaniyang paraan na ginawa upang maalis ng bansa sa kabila ng pagkakaroon niya ng mga kaso.
Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, hindi totoong nangyari ang mga idinetalye ni Gaza sa kaniyang post.
Paliwanag ni Sandoval, ang taong mayroong ‘hit’ sa BI database dahil sa pagkakaroon ng Hold Departure Order (HDO) o warrant of arrest ay agad haharangin at ‘di papayang makalabas ng bansa.
Sa kaso ni Xian, wala aniya itong HDO o standing warrant of arrest nang siya ay umalis ng bansa.
Hindi rin aniya totoong nangyari ang kwento ni Xian hinggil sa kung paano siya kinausap ng immigration officer.
“The story is preposterous, similar to other claims he made in the past. If you know regular airport procedures, his story sounds silly. Ang daming loopholes. Booking numerous flights will not help evade police. Everything is recorded in our systems, with one click you’ll know which flight a person really took,” ani Sandoval.
Ayon sa BI, maituturing na “cause for concern” ang nasabing post ni Gaza at pinag-aaralan na nila ang posibleng aksyon laban dito.
Ang naturang post ni Gaza ay kaugnay sa pag-alis umano niya sa bansa nuong Sept. 2018.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.