Naitala ang 40.8 degrees Celsius na heat index sa NAIA station sa Pasay noong Sabado at ito na ang pinakamataas sa rehiyon buhat nang magsimula ang tag-init.
Ang heat index ay ang sukat ng temperaturang nararamdaman ng tao na mas mataas sa temperatura ng hangin.
Nauna nang sinabi ng PAGASA noong Sabado na naitala rin ang pinakamataas na temperatura sa Metro Manila ngayong 2019 sa 35.4 degrees Celsius sa Science Garden sa Quezon City.
Nagbabala ang Department of Health sa mga sakit na maaaring maranasan dahil sa heat index tulad ng heat cramps, heat exhaustion at heat stroke.
Nagpayo ang kagawaran na umiwas sa matagal na pagkakababad sa araw at uminom ng maraming tubig sa panahong ito.