Duterte sa PCIJ: Wala kayong pakialam sa mga negosyo namin

Ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pamilya kasunod ng report ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) kaugnay ng umanoy kanilang mga law companies na hindi nakarehistro.

Ang pagpalag ng Pangulo sa ulat ay ginawa sa talumpati nito sa Iloilo City Sabado ng gabi.

“Ngayon, tinitira kami ng mga anak ko, all about lawyering. Ano ba namang pakialam nila na what happened to my law office? Makita mo ‘yung utak ng mga investigative journalist… Binabayaran ‘yan kung ganoon kalaki. Pati nung lawyering ko, at saka yung… motorcycle shop,” pahayag ng Pangulo.

Sa report ng PCIJ, sinabi na lumobo ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng Pangulo at mga anak nitong sina Davao City Mayor Sara Duterte at Paolo Duterte.

Iginiit ni Pangulong Duterte na pareho silang abogado ni Mayor Sara at pinaghirapan nila ito kaya natural lang na ipakita nila ang kanilang mga pangalan sa kanilang law firms.

“Yang publish nila na ‘yung mga law firms, abogado ako. Pinaghirapan ko ‘yan, natural i-display ko talaga ‘yang pangalan ko. Kasi raw hindi na ko nagpa-practice, dapat wala yung mga pangalan namin ni Sara. Paka-ulol naman ninyo. Sinasabi lang namin ‘yan na abogado kami. Why, is there anything wrong of the freedom to express yourself? Tapos kung anong ilalagay mo diyan sa prohibition… kalokohan,” dagdag ng Pangulo.

Ayon pa sa Presidente, walang pakialam ang iba kung mayroong negosyo ang kanyang pamilya.

Samantala, muling binatikos ng Pangulo ang mga “dilaw” sa isyu ukol sa yaman ng kanyang pamilya.

Paliwanag ni Duterte, galing sa kanyang ina ang kanyang yaman kaya bakit anya niya ito ilalagay sa kanyang SALN.

“Pero kung magkano, eh bakit sabihin ko sa inyo? SALN? Hm! Hindi naman ninyo pagod ‘yun… bakit ko ilalagay sa SALN? Wala akong bayad sa bahay, wala akong bayad sa kain… libre lahat, pati mura,” ani Duterte.

Read more...