Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kakausapin niya si Sen. Richard Gordon para baguhin ang ipinasang batas na naglalayong lagyan ng dalawang plate number ang mga motorsiklo.
Sa kanyang talumpati sa 25th National Federation of the Motorcycle Clubs of the Philippines (NFMCP) Annual National Convention sa Iloilo Convention Center sa Iloilo City ay sinabi ng pangulo na delikado ang paglalagay ng plaka sa harapan ng motorcycle units.
Umani ng palakpak mula sa motorcycle community ang nasabing pahayag ng pangulo.
Bilang isang rider, sinabi ni Duterte na batid niya ang kalagayan ng mga nagmomotorsiklo sa bansa.
Bilang kapalit, sinabi ng pangulo na hihirit siyang medyo lakihan ang plaka ng mga motorsiklo sa likurang bahagi nito.
Layunin nito na maging mas visible sa publiko ang mga plaka ng motorsiklo na ginagamit sa krimen.
Nabuo ang batas na naglalayong lagyan ng dalawang plaka ang mga motorsiklo dahil sa dumaraming kaso ng mga krimen na kinasasangkutan ng riding-in-tandem.