Emosyonal na nagpasalamat si Senador Grace Poe sa media dahil sa pagtulong na maipaliwanag sa taong-bayan ang kinakaharap na balakid sa kanyang pagtakbo bilang pangulo ng bansa.
Ayon kay Poe, nakababahala kasi na baka tuluyan siyang ma-disqualify nang hindi man lang napapasalamatan ang mga miyembro ng media.
Bukod dito nababahala rin si Poe kung kanino ihahabilin ang mga naumpisahang committee hearing sa Senado gaya na lamang sa usapin ng MRT, PNP at iba pa.
Pinasalamatan din ni Poe maging ang Senate Electoral tribunal matapos ibasura ang motion for reconsideration na inihain ni Rizalito David na nagpapadiskwalipika sa kanya bilang Senador dahil sa citizenship issue.
Sinabi ni Poe na hindi niya inaasahan na makaka-kuha siyang muli ng paborableng desisyon.
Pinasalamatan rin ni Poe ang mga kasamahang Senador na sina Tito Sotto, Loren Legarda, Pia Cayetano, Cynthia Villar at Bam Aquino na miyembro ng SET dahil sa umiral daw ang pagiging makatao ng mga ito.
Pagtitiyak ni Poe, tuloy pa rin ang kanyang pagtakbo bilang Pangulo ng bansa sa 2016 elections.
Bukod sa kinakaharap na diskwalipikasyon sa SET, may apat pang kaparehong kaso na kinakaharap si Poe sa commission on elections (Comelec).