Pilipinas kasama sa listahan ng mga bansang direktang apektado ng climate change
Kasama ang Pilipinas sa listahan ng mga bansang nanganganib na dumanas ng ibat-ibang uri ng kalamidad na may kinalaman sa mabilis na pagpapalit ng kundisyon ng ating panahon.
Sa ulat na inilabas ng Germanwatch sa kanilang Global Climate Risk Index, kasama ng Pilipinas sa listahan ang Serbia, Afghanistan at Bosnia.
Sinabi rin sa report ng Germanwatch na umabot sa mahigit sa kalahating milyong katao ang namatay sa nakalipas na taon sa iba’t ibang panig ng mundo dahil sa mga weather events na may kaugnayan sa climate change.
Kabilang dito ang malalakas na mga bagyo kung saan nakasama sa listahan ang bagyong Glenda na nanalasa sa bansa noong 2014 na nag-iwan ng mahigit sa isang-daang katao na patay.
Bukod sa mga bagyo, apektado naman ng sobrang init ng panahon ang ilang bahagi ng mundo na siyang dahilan kung bakit umabot sa kabuuang $2.9Trillion na halaga ng mga produktong agrikultura at iba pang kalakal ang nasira.
Nakatakdang ipresinta ang kanilang ulat sa nagpapatuloy na UN Climate Conference sa Le Bourget sa Paris France.
Umaasa ang mga world leaders na dumadalo sa nasabing conference na makagawa ng mga hakbang para mabawasan ng 2-degree celcius ang earth temperature.
Kabilang dito ang pagbawas sa pag-gamit ng mga fossil fuels bilang pang-gatong at pagsusulong na rin ng pag-gamit ng mga renewable energy sources na alternatibong mapagkukunan ng kuryente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.