Sara Duterte: Ako ang totoong target ng drug trade video

By Rhommel Balasbas April 06, 2019 - 02:24 AM

Naniniwala si Davao City Mayor Sara Duterte na siya ang tunay na target ng mga videos na nag-aakusa sa mga miyembro ng pamilya Duterte sa mga iligal na gawain.

Ayon kay Sara, hindi ang tatay niyang si Pangulong Rodrigo Duterte ang target dahil presidente na ito at ang paraan lamang para matanggal ito sa pwesto ay sa pamamagitan ng impeachment.

Giit ng alkalde, ang mga taong inuugnay sa mga anomalya sa mga videos ay may koneksyon sa kanya.

Sa unang episode ng videos na pinamagatang ang “Ang Totoong Narcolist”, inaakusahan si Paolo na sangkot sa illegal drug trade.

Ang ikalawa namang episode ay tungkol sa isang Elijah Pepito na umano’y law firm partner nina Sara Duterte at Manases-Carpio.

Iniuugnay kay Pepito sina Honeylet Avanceña at Veronica kung saan naglulustay umano ang mga ito ng dirty money sa ibang bansa.

Sinabi naman ni Sara na hindi nakaapekto ang videos sa kanilang pamilya at hindi nila ito napag-usapan.

Mas maganda anya kung si Paolo na lang ang magkomento tungkol sa isyu.

Gayunman, hindi naman anya karapat-dapat para sa komento ang mga video na hindi naman anya totoo ang nilalaman.

TAGS: “Ang Totoong Narcolist”, Davao City Mayor Sara Duterte, Drug trade, target ng video, video, “Ang Totoong Narcolist”, Davao City Mayor Sara Duterte, Drug trade, target ng video, video

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.