Suspendidong opisyal ng LTFRB, itinanggi ang pagtanggap ng P4M na suhol
Itinanggi ng suspendidong si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) executive director Samuel Jardin na tumanggap siya ng P4 milyong suhol.
Ayon kay Jardin, malisyoso at walang basehan ang akusasyon laban sa kanya.
Sa kanyang tugon sa suspension order ng Department of Transportation (DOTr), sinabi ni Jardin na hindi siya tumanggap ng pera mula sa complainant na si Michelle Sapangila.
Sa reklamo ni Sapangila ay sinabi nito na pinaghatian nina Jardin at LTFRB chairman Martin Delgra ang pera.
Pero giit ng opisyal, wala siyang tinanggap na pera mula kay Sapangila at hindi nila ito napag-usapan ni Delgra.
Nagpaplano si Jardin na sampahan ng kaso ang complainant.
Humiling din ito ng pormal na hearing para maharap niya si Sapangila at mabawi ang 90-day suspension laban sa kanya.
Sa kanya namang panig ay itinanggi rin ni Delgra ang alegasyong suhol.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.