Iniakyat na sa Office of the Ombudsman ang reklamo sa hindi pagdalo sa mga sesyon ng mga miyembro ng Mababang Kupulungan ng Kongreso kaya bigo na namang matalakay ang mahahalagang panukalang batas gaya ng Bangsamoro Basic Law o BBL.
Hiniling ng Civil Society Organization of Mindanao kay Ombudsman Conchita Carpio Morales na i-compel o pwersahin na ang mga Kongresista na pumasok sa sesyon sa plenaryo upang matiyak ang quorum para maituloy na ang BBL deliberation.
Binanggit ng iba’t ibang grupo na batay sa records ng Kamara, maraming sesyon ang palagian na lamang nasususpinde o na-aadjourn simula pa noong Hunyo dahil sa kawalan ng quorum.
Inakusahan pa ng mga grupo ang mga Kongresista na binabalewala ang mga statement, liham at door-to-door campaigns sa kanilang opisina na nananawagang ituloy ang BBL debates alinsunod sa peace agreement ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Dagdag pa ng mga grupo na nagpapabaya sa tungkulin ang mga Kongresista dahil madalas ang pag-absent ng mga ito.
Kinuwestiyon din ng mga grupo kung exempted ba ang mga House Member sa patakaran ng gobyerno na pumasok sa trabaho, maparusahan sa pagiging absinero, at tumanggap ng sahod kahit hindi nagta-trabaho.
Aabot sa dalawampu’t dalawa ang signatories ng sulat na pawang mga taga-Mindanao.