Sinabi ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na mag-iinhibit siya at dalawa pa sa kanyang mga kasamahang mahistrado oras na idulog sa Mataas na Hukuman ang disqualification case laban kay Sen. Grace Poe.
Reaksyon ito ni Carpio makaraang pagtibayin ng Senate Electoral Tribunal (SET) ang nauna nilang desisyon sa reklamong inihain ni Rizalito David kung saan sa botong 5-4 ay sinabing isang natural born Filipino si Poe.
Ipinaliwanag ni Carpio na hindi nila puwedeng rebyuhin ang kanilang sariling desisyon sa reklamo kung saan siya kasama sina Associate Justices Teresita Leonardo De castro at Arturo Brion ay nagsabi na hindi maituturing na natural born Filipino ang Senador base sa mga umiiral na batas sa bansa.
Naniniwala rin si Carpio na mas magiging kumplikado ang reklamo laban kay Poe oras na umakyat ito sa Supreme Court.
Tumanggi naman siyang magkumento nang tanungin ng mga mamamahayag kung makaka-apekto ba ang pulitika sa magiging desisyon ng mga mahistrado ng Supreme Court sa oras na umabot sa kanila ang disqualification case laban kay Poe.