Pahayag ito ng DFA matapos makumpirma na umiikot ang mga Chinese vessels sa naturang teritoryo.
Sa isang statement ay iginiit ng ahensya na ang Pagasa Island ay kabilang sa Kalayaan Group of Islands na teritoryong kontrolado ng Pilipinas.
“Accordingly, the presence of Chinese vessels near and around Pag-asa and other maritime features in the KIG (Kalayaan Island Group) is illegal,” pahayag ng DFA.
Nakasaad pa sa pahayag na ang aksyon ng China ay paglabag sa soberenya at karapatan ng Pilipinas.
Kinuwestyon din ng DFA ang layon at motibo ng matagal na pag-iikot ng mga sasakyang pandagat ng China sa lugar.
“Such actions are a clear violation of Philippine sovereignty, sovereign rights and jurisdiction, as defined under international law including the 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS),” dagdag ng ahensya.
Dahil dito ay umapela ang DFA sa China na tumupad sa kasunduan na huwag nang palalain ang sitwasyon.
Panawagan pa ng Pilipinas sa China, sundin ang “Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea” sa gitna ng negosasyon para naman magkaroon ng Code of Conduct kaugnay ng territorial dispute sa rehiyon.
Dagdag ng DFA, ilang beses na nilang ipinarating ang posisyon ng bansa sa ilang hakbang gaya ng note verbale, diplomatic protest at pakikipag-usap sa mga opisyal ng China.