LP itinangging may kinalaman sila sa disqualification kay Poe
Pinabulaanan ng partido liberal na sila ang nasa likod ng disqualification kay Senador Grace Poe.
Kasunod na rin ito ng pahayag ni Poe na ang LP at United Nationalist Alliance ang nasa likod ng pagdiskwalipika sa kanya ng Commission on Elections.
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, Vice Chairman ng LP, kung may party line ang LP, dapat sana ay bomoto na ang kanilang kapartido na si Senador Bam Aquino na miyembro ng Senate Electoral Tribunal para idiskwalipika si Poe.
Nahaharap din ng disqualification si Poe sa SET matapos ireklamo naman ni Rizalito David kaugnay sa kanyang citizenship.
Apela rin ni Drilon sa pamunuan ng Supreme Court na ipagbaliban na muna ang Christmas break.
Tiyak kasi aniyang aakyat sa SC ang kampo ni Poe para idulog ang kaso.
Kinabukasan aniya ng bayan at pamahalaan ang nakasalalay dito.
Kasabay nito, pumalag din ang mga taga-Liberal Party sa kamara sa paratang ni Poe.
Ayon kay Yakap Party List Rep. Carol Jane Lopez, bilang kaibigan at kaalyado ni Mar Roxas ay nasasaktan siya dahil tila napakadali sa mga kalaban na ituro at sisihin ang dating DILG secretary.
Giit ni Lopez, una sa lahat ay hindi si Roxas ang “misrepresented”, kaya bakit ibabaling ang sisi sa LP Presidentiable.
Pangalawa ani Lopez, nakita at naunawaan ng mga tao ang ‘facts’ inilatag ng Comelec 2nd division laban kay Poe.
Kaya apela ni Lopez, sana naman daw ay huwag magturo lalo’t hindi umano ugali ni Roxas ang manisi.
Sa panig naman ni Daang Matuwid Coalition Spokesperson at Akbayan Party List Rep. Barry Gutierrez, walang anumang kinalaman si Roxas sa disqualification decision ng Comelec 2nd division laban kay Poe.
Naniniwala si Gutierrez na bumatay ang mga miyembro ng Comelec 2nd division sa mga dokumento at ebidensya na nai-presinta ng naghain ng kaso kontra kay Poe, at hindi dahil sa anumang pressure.
Nauna nang sinabi ni Poe na malaki ang hinala niya na ang “dalawa sa kanyang kalaban” sa Presidential race ang mga nasa likod ng pasya ng Comelec.
Nang kulitin kung sino-sino ang kanyang tinukoy, tahasan niyang sinabi na ito’y sina Roxas at Vice President Jejomar Binay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.