Presyo ng bigas bumaba sa ilang palengke sa Metro Manila
Umabot na hanggang P5 ang tapyas sa kada kilo ng bigas sa ilang palengke sa Metro Manila.
Nasa P35 na ang kilo ng lokal na regular milled rice mula P38 habang nasa P40 hanggang P44 ang lokal na well milled rice mula sa dating P42 hanggang P46.
Ang kada kilo naman ng lokal na premium grade rice ay nasa P46 hanggang P47 mula P47 hanggang P48 habang P47 na lang ang imported premium grade rice mula P48.
Naglalaro naman sa P47 hanggang P60 ang kada kilo ng special rice mula sa dating P50 hanggang P65.
Wala namang paggalaw sa presyo ng NFA rice na P27.
Ayon sa mga tindero, ang pagbaba ng presyo ay dahil sa panahon ng anihan at hindi bunsod ng rice tariffication law kung saan malaya na ang pag-angkat ng bigas.
Gayunman, nagbabadya ang pagtaas ng presyo ng bigas dahil sa epekto sa agrikultura ng El Niño.
Ayon sa ilang grupo, isasalba ng mga magsasaka ang kanilang mga ani mula sa pinsala ng tagtuyot kaya lalaki ang gastos nila gaya sa konsumo ng gasolina.
Sa huling datos ng Department of Agriculture, mahigit P5 bilyon na ang halaga ng pinsala sa agrikultura partikular sa palay at mais.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.