“May hurisdiksyon ang Comelec sa disqualification case vs Poe”- Bautista

comelecKinontra ni Commission on Elections Chairman Andres Bautista ang pahayag ng dating Chairman ng Comelec na si Sixto Brillantes na tanging ang Presidential Electoral Tribunal ang may hurisdiksyon sa mga disqualification case gaya ng kinakaharap ni Senator Grace Poe.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Bautista na mali ang nasabing pahayag ni Brillantes.

Paliwanag ng Comelec Chairman, ang hurisdiksyon ng PET sa isang disqualification case ay pumapasok lamang pagkatapos na ang halalan o matapos maiproklama ang isang nanalong kandidato.

“Sa aking palagay, mawalang-galang na kay Former Chair Brillantes sa tingin ko mali ‘yon, ang hurisdikasyon lang ng PET ay pumapasok lang after ng halalan at after ng proclamation ng kandidato na nanalo, iyan ang nakasaad sa Saligang Batas,” sinabi ni Bautista.

Ayon kay Bautista, bago maidaos ang isang halalan, ang tanging may kapangyarihan sa mga disqualification cases ay ang Comelec.

Kung mayroon mang tutol sa nagiging pasya ng Comelec, sinabi ni Bautista na maari namang kwestyunin o iakyat sa Mataas na Hukuman ang mga inilalabas na hatol ng poll body.

Read more...