Mayor Oreta, sinagot ang pahayag ni Duterte ukol sa droga sa Malabon
Nagbigay ng kanyang pahayag si Malabon Mayor Antolin “Len Len” Oreta III kasunod ng banta sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin ang syudad mula sa droga kundi ay maaaresto ito.
Sa kanyang talumpati sa Malabon Martes ng gabi ay binigyan ng Pangulo ng isang buwan si Oreta para tugunan ang problema sa droga sa lungsod.
Sa kanyang social media accounts ay sinabi ni Oreta na maigting na ang mga programa kontra droga sa Malabon bago pa ang war on drugs ng Pangulo.
Patunay anya ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa hakbang ng lokal na pamahalaan para mapuksa ang droga.
Ayon sa alkalde, Pebrero pa lamang, mula tatlo ay anim na ang bilang ng barangay sa Malabon sa idineklarang drug-free ng PDEA.
Ibig sabihin anya, 40 percent ng lahat ng barangay sa Malabon ay drug-free na at isa anya ito sa pinakamataas na datos sa Metro Manila.
Binanggit din ng opisyal na ginawaran sila ng DILG-NCR ng silver award para sa Anti-Drug Abuse Functionality Audit dahil sa kanilang kampanya kontra droga.
Tiniyak ni Oreta na katuwang sila sa layong protektahan ang bawat pamilyang Pilipino mula sa masamang epekto ng droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.