Gabby Concepcion kinasuhan ng kapatid dahil umano sa pamemeke ng titulo ng lupa

Sinampahan ng kaso ang aktor na si Gabby Concepcion ng kapatid nitong lalaki dahil sa umanoy pamemeke ng pirma sa titulo ng lupain na pag-aari ng kanilang pamilya.

Nagsampa si Miguel Concepcion ng kasong falsification of public documents laban sa aktor dahil sa umanoy iligal na paglipat ng titulo ng lupa sa San Juan.

Ayon sa abogado ni Miguel na si Atty. Tyrone Cimafranca, si Gabby ay kinasuhan sa San Juan Prosecutor’s Office.

Inireklamo ng kapatid ang umanoy pamemeke ni Gabby sa pirma ng kanilang ina na si Lourdes Arellano-Concepcion para ilipat umano sa kanya ang titulo ng lupa sa San Juan.

Inilipat rin umano ng aktor ang titulo ng lupa sa kanyang misis na si Genevieve at mga kapatid na sina Rolando at Ricardo.

Inireklamo rin ni Miguel ang tatlo dahil sa umanoy iligal na pag-notaryo sa mga dokumento ng land transfer.

Pinag-aagawan ng magkakapatid ang 890 square meters na lupain sa P. Guevarra sa San Juan.

Samantala, bukas naman ang kapatid ni Gabby sa pag-uusap pero iginiit nito na dapat ay tama ang paghahati ng lupain dahil isa rin siyang lehitimong tagapag-mana.

Samatala, tumanggi ang aktor na magbigay ng anumang pahayag ukol sa isyu.

Read more...