(UPDATED) Nakatikim ng sermon ang isang police patrolman at ang tatay nito mula kay Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Brigadier General Joselito T. Esquivel Jr.
Ang mag-ama ay nahuli sa isang buy-bust operation sa Arthur St. Area 1, Brgy. Pasong Tamo kasama ang isa pang kasabwat na babae.
Kinilala ni BGen. Esquivel ang mga suspek na sina Patrolman Darryl Galendez, 25 taong gulang, at ang tatay nito na si Daniel Galendez, 50 taong gulang at isang Estella Alfonso, 36 taong gulang.
Ayon kay Talipapa Police Station commander PLTC Alex Alberto nasa anim buwan nilang binantayan ang mga suspek para maberipika ang sumbong na may pulis na protektor ng bawal na gamot sa lugar.
Sa kinasang buy-bust operation nagpositibo ang operasyon nila laban sa mga suspek at nakakuha sila ng 7 sachet ng hinihinalang shabu, walang lisensyang caliber 45 pistol, 4 cellular phones at buy-bust money.
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantalang nahaharap din ang naarestong pulis sa kasong administratibo at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.