Nasamsam ng Bureau of Customs ang 757 buhay na Tarantula sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City.
Ayon sa pahayag ng Bureau of Customs (BOC) – NAIA araw ng Martes, nagkakahalaga ang nakalalasong mga gagamba ng P310,000.
Galing sa Poland ang mga Tarantula na itinago sa mga nakabalot na kahon ng cookies at tsaa.
Ipinadala ito ng isang Wojciech Pakasz at nakapangalan sa isang Jesse Camaro, na residente ng Caloocan City ayon kay Ninoy Aquino International Airport (NAIA) District Collector Carmelita Talusan.
Ang Tarantula ay ikinokonsiderang endangered wildlife species.
Ayon sa BOC, sinumang lumabag sa R.A. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act ay maaaring makulong ng isa hanggang dalawang taon at pagmultahin ng P20,000 hanggang P200,000.
Bukod pa ito sa tatlo hanggang anim na taong pagkakakulong at multa na hanggang P300,000 sa ilalim naman ng RA 10863 Customs Modernization and Tariff Act.
Ang mga Tarantula ay nai-turn over na sa DENR Wildlife Traffic Monitoring Unit (DENR-WTMU).
Mula 2018, sinabi ng BOC-NAIA na 2,152 wildlife at endangered species kabilang ang 250 geckos, 254 corals at iba pa na kanilang naharang ang nai-turn over sa DENR.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.