Sotto, binuweltahan ni Andaya matapos sabihing naniniwala ang kongresista sa sabi-sabi

By Erwin Aguilon April 02, 2019 - 07:39 PM

Inalmahan ni House Appropriations Committee Chairman Rolando Andaya Jr. ang pahayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na nagpapaniwala sa gawa-gawang kuwento ang mga kongresista hinggil sa 2019 national budget.

Ayon kay Andaya, hindi na kailangang humanap ni Sotto ng matalinghagang mga salita sa diksyunaryo para ipaliwanag ang ginawa nilang pagkaltas sa pondo ng mga nabanggit na programa.

Sa halip na ilihis ang atensyon ng publiko ay panahon na aniya para ibunyag ni Sotto kung sinu-sinong mga senador ang nagpatupad ng budget cuts at ipakita kung saan na-realign ang mga item.

Kaugnay nito ay naglabas si Andaya ng kopya ng orihinal na mga dokumento na nagpapakita ng sinasabing budget cuts ng Mataas na Kapulungan sa General Appropriations Bill.

Ang pahayag ay ginawa ng mambabatas matapos tinapyasan ng Senado ang pondo para sa Build, Build, Build program at iba pang social services para ilipat sa ibang proyekto o ahensya habang ang iba ay hindi na malaman kung saan napunta.

Una rito ay inakusahan niya ang mga senador na nagkaltas ng P39 bilyon na dapat sana ay para sa pension and gratuity fund ng AFP personnel, P13.4 bilyon mula sa miscellaneous personnel benefit fund, P11 bilyon para sa right-of-way projects ng DPWH at iba pa.

TAGS: 2019 national budget, Rep. Rolando Andaya Jr., Sen. Vicente "Tito" Sotto III, 2019 national budget, Rep. Rolando Andaya Jr., Sen. Vicente "Tito" Sotto III

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.