PNP, nagbabala vs paggamit ng party drugs ngayong bakasyon

Sa pagsisimula ng bakasyon, binalaan ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na iwasang gumamit ng anumang uri ng party drugs.

Sa press briefing, binanggit ni PNP spokesperson P/Col. Bernard Banac ang paglulunsad ng PNP ng “Ligtas SUMVAC 2019” program.

Layon aniya ng summer vacation security plan program na bantayan ang mga kilalang tourist destination kasabay ng kanilang anti-criminality operations ngayong panahon ng tag-init.

Isa sa mga tutukan aniya sa “Ligtas SUMVAC 2019” ang posibleng paggamit at pagbebenta ng party drugs sa mga beach resort sa bansa.

Payo ni Banac, huwag nang tangkain pang ipuslit ang mga kontrabando sa beach resorts.

Kadalasan aniyang gumagamit ng party drugs ang mga kabataan at pinagsasamantalahan ito ng mga tulak ng droga para sa kanilang ilegal na transaksyon.

Nasa 77,536 na pulis ang ipakakalat sa buong bansa para sa naturang programa.

Magtatalaga rin aniya ng mga pulis sa Boracay, Mactan sa Cebu, Bohol, Palawan at Siargao.

Read more...